Kulturang Pilipino: Mga kultura at tradisyon ng mga Pilipino
Pista
Ang pista ay isa sa mga malalaking pagdiriwang na ginugunita bawat taon sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Tampok dito, saan mang lugar sa kapuluan, ang mga makukulay na parada, mga katutubong seremonya, sayawan, paligsahan, at masasaganang handaan. Ang panahon ng kapistahan ay isa rin sa mga pinaka-inaabangang pagdiriwang na patuloy na dinarayo ng mga turista taun-taon.
Senakulo
Ang Senakulo ay tradisyonal na pagsasadula ng mga pangyayari hinggil sa mga dinanas ni Hesukristo bago at pagkaraang ipako siya sa krus. Hango ang nasabing tradisyon sa Bibliya at iba pang tekstong apokripa. Kadalasang ginaganap ito sa lansangan o kaya'y sa bakuran ng simbahan. Ang magkakaibigan, magkakamag-anak, at magkakababayan ay magkikita-kita upang panoorin at palakasin ang loob ng mga tauhan sa dula.
Simbang Gabi
Ang Simbang Gabi ay isa sa mga pinakamatagal at pina-popular na kaugalian ng mga Pilipino tuwing Kapaskuhan. Ito ay kilala din sa tawag na Misa de Gallo na ang ibig sabihin ay "Mass of the Rooster" o Misa ng Tandang. Ang tradisyon na ito ay mahalaga sa bawat Pilipino sapagkat ito ay simbolo ng pagdating ni Hesucristo. Ang Simbang Gabi ay serye ng siyam na araw na nobena para kay Birheng Maria na nag-uumpisa tuwing Disyembre 16 at nagtatapos sa Disyembre 24.
Bayanihan
Ang Bayanihan ay ang sama-samang pagtutulungan ng mga magkakapitbahay o mga magkakabaranggay sa pagbuhat at karaniwang paglipat ng isang bahay, na noon ay kubo na gawa sa nipa at iba pang magagaan na materyales, ng kanilang kasamahan patungo sa isang bagong pwesto. Sinasalamin ng tradisyong ito ang pagkakabuklod-buklod at mapayapang pagsasama at sistema ng tulungan sa isang pamayanan. \
Flores de Mayo
Ang Flores de Mayo ay ang pista ng bulaklak na ipinagdiriwang ng mga Filipino sa buong buwan ng mayo bilang pagbibigay parangal kay Birheng Maria. Bawat isang araw sa buong buwan ng Mayo ay naghahandog ng bulaklak kay Maria para sa kaniyang taglay na huwarang kalinisan at kabutihan.
Barong Tagalog at Baro't Saya
Ang Barong Tagalog ay isang binurdahang pantaas na baro at kinikilalang pambansang kasuotang panlalaki sa Pilipinas. Unang tinawag na baro ng Tagalog, ang kasuotang ito ay may apat na siglo na ring ginagamit sa bansa at patuloy na pinapaganda upang masabayan ang pagbabago ng lipunan. Kabilang ito sa mga popular na kasuotan para sa mga mahahalagang pagdiriwang at kasiyahan sa Pilipinas, gaya ng kasal, mga sagala, maging sa burol at paglilibing.
Ang Baro't Saya naman ay ang pambansang kasuotang pambabae ng Pilipinas na binubuo ng manipis at binurdahang pang-itaas, at palda o saya na makulay at kadalasang guhitan. Gamit ang bakya bilang sapin sa paa, ang mga kababaihang nagsusuot nito ay may hawak ding abaniko upang gawing pantakip sa kanilang mukha o kaya'y sa kanilang dibdib. Ang pagsusuot nito ay alinsunod sa utos ng mga Espanyol na takpan at damitan ang hubad na katawan ng mga katutubo, lalo na ng mga kababaihan, sa kanilang pagdaong sa bansa.

Comments
Post a Comment